Kung magkakaroon lang siguro ng hugis ang kadayaan, malamang ay bilog ito. Paulit-ulit na anggulo at umiikot na sistema…walang katapusan.
Sa pagmulat ng mata mo ay matatanaw mo na ang unang kadayaan sa mundo: ang hindi patas na estado sa buhay ng mga tao. Kung ang alagang aso ng kapitbahay nyo ay kumakain ng dog food na may halagang katumbas ng sweldo ng Tatay mo tuwing kinsenas ay mararamdaman mong nadaya nga kayo sa pagpaparte ng kayamanan.
Patuloy na kadayaan pa rin ang sasalubong sa iyo sa pagpasok mo sa inyong klasrum. Sa unang pagkakataon ay ngingitian at kakausapin ka ng seatmate mo dahil midterm nga pala, samantalang imbes na magreview sya kanina ay panay text sa boyfriend nya. Pagsilip mo naman sa mga kaklase mong paboritong upuan ang mga huling bangko tuwing may pagsusulit ay pagsisisihan mong dalawang oras ka lang nakatulog, dahil hawak nila ang mga notes at patagong sumisilip doon.
Pero kung inaakala mong hari na sila sa kadayaan ay nagkakamali ka, tatalunin sya ng mismong propesor nyo. Kaya nyang magbigay ng gradong uno sa mga madalas pumuri sa kanyang bagong bag o sapatos at doon sa mga estudyanteng daig pa ang mga parasitiko kung ‘sumipsip’. Hindi pa nachecheck-an ang mga papel nyo ay may grado na sila, ang daya diba?
*****
Ilang lingo pa lang ang nakakalipas ay lumuwas kami ng kapatid ko papuntang Olongapo. Nakatulog ako sa biyahe kaya akala ko noong bababa na kami ay susunduin kami ni Lola sa terminal, mali pala, ihahatid nga pala namin sya sa kaniyang huling hantungan.
Napakadaya ko. Habang nagrorosaryo kami para sa kaluluwa ni Lola ay kinukurot ko pa rin ang sarili ko, ginigising sa isang bangungot, dahil hanggang sa huli ay ayaw magpatalo ng utak ko sa reyalidad.
Minsan kahit ayaw mo, sasagi sa isipan mo na sa dinami-dami ng mga masasamang tao, bakit ang isang mabuting tao pa ang kailangang mawala?
*****
Hindi ko na rin siguro kinakailangan pang kaladkarin ang salitang kadayaan sa pulitika dahil nakakasigurado ako na hindi sasapat ang papel na ito para isulat ko ng ilang beses ang unang natutunang linya ng mga talunang pulitiko na ‘nadaya ako e’.
*****
Hindi magiging ganap na kadayaan ang isang bagay hanggat walang naaargabyado at walang matapang na taong handang magreklamo. Bilang pagtatapos, nais kong ibahagi ang natutunan ko sa mga oras na sinusulat ko ito. Ang pagkakataon, panahon at mga taong nakapaligid sa atin ay hindi lubos na madaya, ang totoong salarin ay ang utak natin at ang mga bagay na tumatakbo rito.
Wala akong ideya kung ano ang magiging reaksyon mo matapos basahin ang kolum na ito. Gayunpaman, wala kang magagawa, madaya ako.
No comments:
Post a Comment